Dalawang sinasabing high-value drug suspect ang naaresto ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) habang nasamsam mula umano sa kanila ang mahigit P54.7-milyong halaga ng shabu sa loob ng tinutuluyan nilang motel sa Caloocan City, Biyernes.
Sa ulat kay NPD Director Police Brigadier General Jose Hidalgo Jr., kinilala ang mga nadakip na sina Ali Usman at Emil Flores.
Ayon kay Hidalgo, bandang alas-12:30 kahapon ng tanghali, nagkasa sila ng buy-bust operation sa loob ng isang motel sa Barangay 136, Bagong Barrio, Caloocan.
Matapos ang transaksiyon, dinamba na ang dalawang suspek. Nakumpiska mula umano sa kanila ang mahigit walong kilo ng shabu, pati na ang marked money na ginamit sa buy-bust.
“Hindi na bago ‘yung ganitong drug operation sa mga motel. Kahit nga sa mga hotel, nangyayari ‘yan,” saad ng pulisya.
Kinasuhan na paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek. (Orlan Linde)
The post P55M shabu natisod sa Caloocan motel first appeared on Abante Tonite.
0 Comments