Search warrant sa madugong raid pinawalang-bisa

Pinawalang-bisa ng korte sa Batangas ang search warrant na ginamit ng mga pulis sa isa sa serye ng mga raid laban sa mga aktibista na tinaguriang “Bloody Sunday” operations at nagresulta sa pagkamatay ng siyam na unyonista noong Marso 7.

Sa inilabas na order noong Oktubre 25 at ni-release sa media nitong Lunes, pinawalang-bisa ng Tanauan City Regional Trial Court Branch 6 ang search warrant laban kay Erlindo ‘Lino’ Baez, spokesperson ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Batangas chapter.

Dinismiss din ng korte ang kasong illegal possession of firearms and explosives laban kay Baez.

Si Baez ay hindi kasama sa mga nasawi sa Bloody Sunday raids. Wala kasi siya sa kanyang bahay nang ihain ng awtoridad ang search warrant pero sinampahan din siya ng nasabing kaso.

Base sa pahayag ni Tanauan court Judge Jose Ricuero Flores sa order, “The court so holds that the search warrants issued by Honorable Jason Zapanta, Presiding Judge, Manila Regional Trial Court Branch 74, to be null and void.”

“Accordingly, the informations against accused Erlindo Baez are hereby quashed and the cases against him are dismissed. The Tanauan City Police Station is hereby directed to immediately release Baez from custody/detention unless he is being detained for some other legal reasons,” dagdag pa.

Ayon pa sa korte, sinasabi lamang sa search warrant ni Manila Judge Jason Zapanta na “Barangay San Vicente, Sto. Tomas, Batangas” at hindi partikular na tinukoy ang bahay ni Baez.

Wala ring record na nagtanong si Judge Zapanta ng probing questions sa mga pulis nang mag-apply sila para sa warrant.

“It is therefore clear that the subject search warrants failed to specifically and sufficiently describe the place to be searched,” ayon pa sa Tanauan court kung saan binabanggit din nito na na ang isang search warrant ay dapat palaging sumunod sa mga nakasaad sa konstitusyon. (Ronilo Dagos)

The post Search warrant sa madugong raid pinawalang-bisa first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments