Ni Nancy Carvajal
Daan-daang libong email address na naglalaman ng mga personal na impormasyon at online bank account ang ibinenta diumano ng isang hacker sa mga online scammer kabilang dito ang mga suspek sa ‘Mark Nagoyo’ hacking ng Banco de Oro (BDO), ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Nadiskubre ng NBI Cybercrime Division ang mailing list sa computer ng suspek na si Clay Sevilla Revillosa, 26-anyos, na gumagamit ng handle na ‘X-Men’ sa kanyang underworld deal, matapos na masakote ito kaugnay sa BDO hacking.
“Eight hundred thousand mailing list (email addresses) that contained confidential details of users and ready for use by scammers was among those found in the computer of Revillosa,” ayon kay NBI Cybercrime Division head Vic Lorenzo.
Sabi ng NBI matagal na nilang sinasailalim sa surveillance si ‘X-Men’ mula pa noong 2016, at ngayong nasakote na ito ay saka pa lang nalaman ang totoong pagkatao nito.
“We have been on his trail for some years now, he was responsible for various hacking/ defacing various government and private websites,” ayon sa isang NBI insider.
Sa panayam ng online news site Bilyonaryo, ibinunyag naman ni Revillosa na kabilang sa mga account na nagawa niyang mabuksan o ma-hack ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang website ng fast food chain Jollibee.
Ayon sa NBI naging target ng mga scammer ang daan-daang libong bank account holder na napasakamay ni Revillosa.
“The scam begins with the mailing list, because it becomes their reference record of their illegal act,” sabi ng NBI insider.
Ikinanta naman ni Revillosa sa NBI na marami sa mga nakuha niyang digital information ay binenta nila sa halagang P30,000 lamang subalit sa hiwalay na panayam sa kanya ng Bilyonaryo ay ipinagyabang nito na umabot pa ng P1.5 milyon ang halaga ng mga binenta niyang mailing list.
Kasama si Revillosa ng apat na iba pang suspek sa BDO hacking na sinampahan ng kaso ng Department of Justice kaugnay ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
The post Jollibee, DENR kinana ng ‘Nagoyo’ hacker first appeared on Abante Tonite.
0 Comments