Iginiit ng isang kongresista na ibalik ng LandBank of the Philippines ang nawalang pera ng mga guro na nabiktima ng phishing oras na malaman na ang kanilang system ang may problema kaya nalusutan ng mga scammer.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, maaaring tukuyin ng Bangko Sentral ng Pilipinas BSP kung saan nanggaling ang pagkakamali partikular kung ang nangyari ay isang user’s fault o pagkakamali ng bangko.
“The BSP can release standards for what constitutes ‘the user’s fault’ and what qualifies as ‘the bank’s fault.’ Anything that counts as the ‘bank’s fault’ should be its liability to the user,” ayon kay Salceda.
Tinukoy ni Salceda ang mga guro na nabiktima ng naturang scam sa payroll account sa LandBank.
Nagpahayag ng pagkabahala si Salceda na nangyari ito sa LandBank na pangunahing government depository aniya at maraming empleyado ng gobyerno ang kumukuha ng kanilang suweldo mula sa naturang bangko.
Dahil dito, iginiit ni Salceda na higpitan pa ang mga hakbang kontra phishing scam na labis nang nakakaalarma.
DICT-Cybercrime kinalampag
Nanawagan naman si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para sa agaran nitong pagkilos laban sa nadiskubreng phishing scam na dahilan upang marami ang nawalan ng pera sa bangko.
Tinukoy ni Defensor ang ilang public school teacher na nawalan ng halagang P26,000 hanggang P121,000 bawat isa matapos na mabiktima ng phishing scam.
Binuhusan aniya ng Kongreso ng P365.4 milyong budget ngayong 2022 ang CICC para ganap nitong magampanan ang kanilang trabaho.
Ang CICC ay attached agency ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Binubuo ito ng kalihim ng DICT, National Bureau of Investigation (PNP) director, Philippine National Police (PNP) chief, director ng Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime, at kinatawan mula sa private sector/academe. (Eralyn Prado/Billy Begas)
The post Datung ng mga titser pinasoli sa LandBank first appeared on Abante Tonite.
0 Comments