Mga sangkot sa `pastillas’ scam `wag palusutin – Hontiveros

Hiniling ni Senador Risa Hontiveros kahapon na magsampa ng kasong kriminal laban sa mga indibiduwal na sangkot sa `pastillas’ scam.

“Kung akala nila napatahimik nila ang imbestigasyon ukol sa pastillas scam, nagkakamali sila. Oras na para todong i-overhaul ang Bureau of Immigration,” sabi ni Hontiveros.

“Ang mga inirerekomenda nating kasuhan sa ating committee report ay mga immigration personnel. Dalawang taon ang ginugol ng imbestigasyong ito dahil desidido tayong mapanagot ang mga tunay na may sala,” dagdag ng senador.

“Malakas ang ebidensya natin — mula sa napakaraming screenshots hanggang sa testimonya mismo ng ating mga whistleblowers na taga-BI rin. Salamat sa kanilang katapangan at pakikiisa. Ito din ay patunay na hindi lahat sa BI masasama at corrupt; may mabubuting loob na gusto rin baguhin ang mga nakasanayan na,” sabi ni Hontiveros.

Bukod sa mga BI personnel, inirekomenda rin sa committee report na imbestigahan pang mabuti ang pananagutan ni dating Justice Vitaliano Aguirre dahil sa pagtalaga nito kay Marc Red Mariñas at ang pag-isyu ng Department Order No. 41 o pag-apruba ng Visa Upon Arrival.

“Dapat may managot. Bilyon-bilyong salapi ang nakupit ng mga kriminal na nasa likod ng pastillas scam sa Bureau of Immigration. Malaking kahihiyan ito. Nang dahil sa kanila, nakapasok ang mga masasamang elemento sa ating bansa na nambiktima ng ating kababaihan at kabataan,” giit ni Hontiveros. (Dindo Matining)

The post Mga sangkot sa `pastillas’ scam `wag palusutin – Hontiveros first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments