2 holdaper kumasa sa PNP, bulagta

Todas ang dalawang sinasabing holdaper nang makipagbarilan umano sa mga awtoridad sa Brgy. Manresa, Quezon City nitong Linggo ng madaling-araw.

Inilarawan ni Quezon City Police District Director P/BGEN. Remus Medina ang mga napatay na holdaper na nasa edad 30-35, may taas na 5’4”, nakasuot ng puting t-shirt, pulang shorts, gray na sumbrero, itim na face mask, habang ang isa ay tinatayang nasa 35-40 anyos, may taas na 5’2”, nakasuot ng pula’t itim na sando, brown na shorts, itim na sumbrero at nakatsinelas.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong alas-12:10 ng madaling-araw, kahapon, nang maganap ang sagupaan sa pagitan ng mga holdaper at mga pulis sa kahabaan ng Araneta Ave. corner G. Roxas St., Brgy. Manresa.

Nagpapatrolya umano ang mga operatiba ng CIDU sa kahabaan ng nasabing avenue nang makita ang biktimang si Andrea Madrigal, na humihingi ng saklolo dahil hinoldap umano siya ng mga suspek na tumakas sakay ng isang tricycle.

Agad rumesponde ang mga pulis at naabutan ang mga suspek na tugma sa deskripsyon na sinabi ng biktima kaya agad nilang hinarang ang sinasakyang tricycle ng mga ito.

Subalit sa halip na sumuko ay agad umanong pinaputukan ng baril ng mga suspek ang mga awtoridad kaya gumanti na rin ang huli na nagresulta sa pagkamatay ng nauna.

Nasamsam ng SOCO team sa crime scene ang isang revolver na may dalawang fired cartridge case, isang Magnum 357 Smith and Wesson revolver na may dalawang fired cartridge case, apat na misfired na bala, dalawang bala, at 18 pakete ng shabu. (Dolly Cabreza)

The post 2 holdaper kumasa sa PNP, bulagta first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments