Dalawang Koreano na wanted sa telecom fraud at isang Chinese national ang pinosasan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) dahil sila ay pawang may kasong economic crime sa kani-kanilang bansa.
Kinilala ng BI ang mga Koreano na sina Kim Changan, 25-anyos, at Kim Junhee, 38, na hinuli noong Huwebes at Biyernes, ng mga operatiba mula sa BI fugitive search unit (FSU) sa magkahiwalay na operasyon sa Makati City at Porac, Pampanga.
Habang tinukoy ang babaeng Chinese na si Zhang Yujie, 51, na dinakip ng mga operatiba ng BI-FSU sa Mandaluyong City noong Biyernes. Sangkot umano siya sa economic crime kaya hiniling ng mga awtoridad sa China ang kanyang deportasyon.
Ang dalawang Koreano ay mayroon nang summary deportation order na inisyu laban sa kanila noong 2019 at 2020 dahil sa pagiging undesirable alien. Sila rin ay nasa mga red notice na inilabas ng International Criminal Police Organization.
Nabatid na si Changan ay pinuno umano ng isang telecom fraud syndicate na nakabase sa Sandong-sung, China na nagsasagawa ng voice phishing upang dayain ang mga biktima nito ng higit sa 63 milyong won o P2.71 milyon.
Si Junhee naman ay itinuro bilang miyembro ng telecom fraud syndicate na nakabase sa Tianjin, China na nanloko sa mga biktima ng P4.74 milyon. (Mina Navarro)
The post 3 wanted na dayuhan kalaboso sa NBI first appeared on Abante Tonite.
0 Comments