6 inararo ng trak na walang drayber

Sugatan ang anim na katao nang araruhin ng isang overloaded na truck na kusang umandar kahit walang driver sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Isa sa mga biktima ay nakilalang si Aldo Bacuetes, trabahador, habang arestado at nakapiit na ang truck driver na si Marvin Galicia, 24-anyos.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District-Traffic Sector 5 kahapon, dakong alas-7:00 ng umaga nitong Biyernes, Pebrero 18, naganap ang aksidente sa Payatas Road, Brgy. Commonwealth.

Bago ang insidente ay ipinarada umano ni Galicia ang truck sa naturang lugar para kumuha ng pagkain sa kanilang bahay.

Gayunman, laking gulat niya nang wala na ang truck sa kanyang pagbalik dahil kusang umandar ito at inararo ang isang closed van, isang jeep at isang berdeng van.

“Kumuha po ako ng pagkain sa bahay eh pagbalik ko po, bigla na po nawala ‘yong truck sa pinagparadahan ko,” kuwento ng tsuper.

Nabatid na ang tatlo sa mga nasugatang biktima, kasama si Bacuetes, ay nagkakarga lamang ng mga upuan sa closed van nang mabangga.

Pinakanapuruhan sa insidente ang driver ng berdeng van, na pinakanadikdik ng truck, at nagpapagamot pa sa ospital.

Ayon sa pulisya, ga­ling umano ng Bulacan ang truck at magtatapon lamang sana ng basura sa isang dump site sa Rizal.

Posible umanong dahil overloaded ang sasakyan kaya’t kusang umandar ito kahit patay na ang makina, naka-hand break, nakakalso ang gulong, at nakasadsad pa sa gutter ng kalsada.

Nabatid na 30 tonelada lamang ang maximum limit ng truck ngunit nasa 50 tonelada umano ang karga nito.

Labis naman ang paghingi ng paumanhin ni Galicia sa mga biktima dahil hindi aniya niya sinasadya at inaasahan ang pangyayari. (Dolly Cabreza)

The post 6 inararo ng trak na walang drayber first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments