4-anyos natusta sa sumingaw na LPG

Nasawi ang isang 4 taong gulang na paslit nang masunog ang kanilang bahay dahil sa sumingaw na liquified petroleum gas (LPG), Martes ng hapon, sa San Andres, Maynila.

Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog, alas-2:43 ng hapon, kahapon, na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire out alas-3:30 ng hapon.

Nabatid kay Jaymat Munon, tiyuhin ng biktima, nasa ikalawang palapag siya ng bahay kasama ang dalawang pamangkin nang magsimula ang sunog sa kanilang bahay sa Crisolita St., San Andres.

Habang natutulog naman ang biktima sa ikatlong palapag ng bahay.

Nang gumapang aniya ang apoy sa kanilang bahay, binitbit niya ang dalawang pamangkin palabas ng bahay pero hindi na nabalikan ang paslit na nasa ikatlong palapag dahil mabilis na kumalat ang apoy.

“Pag-akyat ko, bumungad ang usok saka ‘yong apoy, ang laki,” ayon kay Munon.

Bago ang sunog, nakaamoy umano ang mga residente ng sumisingaw na tangke ng LPG.

Maya-maya pa ay mabilis nang gumapang ang apoy na mabilis kumalat sa dikit-dikit na mga kalapit na bahay.

Nalaman na may 15 bahay ang nadamay at nasunog din sa insidente.

Samantala, sa impormasyong nakuha kay Barangay Chairman Jose Abrito, ang mga biktima ay nasunugan din noong Hulyo 2021.

Kasalukuyang nagkakanlong ang mga nasunugan sa multi-purpose hall ng barangay.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng arson division sa sanhi ng sunog. (Juliet de Loza-Cudia)

The post 4-anyos natusta sa sumingaw na LPG first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments