Balik-eskuwela itotodo sa Agosto

Pinaghahandaan na ng Department of Health (DOH) ang face-to-face class ng mga mag-aaral sa darating na Agosto.

Sanhi nito, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mas paiigtingin pa ang pediatric COVID-19 vaccination sa bansa upang matiyak ang ligtas na balik-eskuwela ng mga estudyante sa Agosto 2022, sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

“We are really trying to vaccinate our children so that they will be safe also when they go to school. I think by August for this next school year, the plan would be that schools will really open,” ani Vergeire.

Ayon kay Vergeire, sinimulan ng pamahalaan ang pilot implementation ng face-to-face classes noong nakaraang taon sa layunin na tuluyan nang maibalik sa susunod na school year ang in-person classes.

Nobyembre 2021 sinimulan ang pilot implementation ng limited face-to-face classes sa ilang pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na nilahukan ng mga estudyante sa Kindergarten hanggang Grade 3 at mga senior high school student.

Habang nitong unang bahagi ng Pebrero ay sinimulan na rin ng Department of Education (DepEd) ang expansion phase ng face-to-face classes kung saan mas maraming grade level ang pinayagang lumahok.

Iraratsada pagbakuna – Galvez

Paiigtingin ng pamahalaan ang pagbakuna kontra COVID-19 sa mga bata para sa ligtas na balik-eskuwela sa buong bansa, ayon naman kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa `Talk to the People’ ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.

Masusi aniyang nakikipag-ugnayan ang National Task Force Against COVID-19 sa DepEd at Commission on Higher Education (CHED) para maabot ang 100 percent vaccination coverage sa mga guro, mag-aaral at iba pang school personnel.

“Napaka-successful ng mga pilot projects sa face-to-face classes. Based sa report ni (Education) Sec. Liling (Briones), walang infections o surge, meaning maganda `yong protocols at nasunod ang distancing at ventilation sa mga classroom,” sabi ni Galvez. (Juliet de Loza-Cudia/Prince Golez/Aileen Taliping)

The post Balik-eskuwela itotodo sa Agosto first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments