Dar utak imported pinakalkal sa Ombudsman, NBI

Pinaiimbestigahan ng isang mambabatas sa Kongreso ang polisiya ng tanggapan ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na mag-import ng mga produktong agricultural.

Giit pa ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat imbestigahan na ng Office of the Ombudsman at National Bureau of Investigation (NBI) ang patuloy na pag-import ng mga produktong agrikultura na nagpapahirap sa mga magsasaka.

Ginawa ni Zarate ang pahayag matapos na umalma ang mga producer ng asukal sa bansa dahil sa pagpayag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag-angkat ng 200,000 metriko tonelada ng asukal.

Taliwas aniya sa sinasabi ng SRA, hindi naapektuhan ng bagyong `Odette’ ang plantasyon ng tubo sa bansa at mas marami pa umano ang supply ng lokal na asukal ngayon kumpara noong nakaraang taon.

“Sa nangyayari ngayon ay parang sinasabotahe mismo ng SRA at ng Department of Agriculture ang sarili nating sugar industry, hindi lang ang mga planters, kundi lalo na ang mga sakada at manggagawang bukid,” dagdag pa ni Zarate.

Nakakaduda na umano na ang importasyon na lamang ang ginagawang solusyon ng gobyerno sa mga problema sa sektor ng agrikultura.

“Very apparent na may pinapaboran dito; hindi lang ito anomalous, parang naging economic sabotage na din ito sa panahong nasa pandemya tayo at pilit na pinapabangon ang ating ekonomiya. Kaya nananawagan tayo sa Office of the Ombudsman at maging sa NBI na kagyat na imbestigahan ito,” giit ni Zarate. (Billy Begas/Eralyn Prado)

The post Dar utak imported pinakalkal sa Ombudsman, NBI first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments