Pinanindigan ni Senador Sherwin Gatchalian ang kapalpakan diumano ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi sa pag-apruba nito para ibenta ang majority stake ng Malampaya gas field.
Giit ni Gatchalian na binaluktot umano ni Cusi ang batas para lamang paboran ang isang kompanya kahit na kuwestiyonable ang kuwalipikasyon nito.
Partikular na tinukoy ng Senador ang UC Malampaya na subsidiary ng Udenna Corporation na siyang nakabili ng 45 percent share ng Chevron sa Malampaya gas power project.
“In simple terms, ito po ay ang pagkiling sa isang kompanya na wala pong kuwalipikasyon at ang tinatawag natin gross neglect of duty, hindi sinundan ang proseso at batas na dapat nilang sundan,” ayon sa senador.
Tinukoy pa ni Gatchalian na sa kanilang isinagawang mga pagdinig sa usapin ay lumitaw ang paiba-iba o papalit-palit na sagot ng kalihim sa pagtatanong ng mga senador.
“May pagdinig po tayong ginawa, malaya po ang lahat ng magbigay ng kanilang opinyon at komite. Ina-analize namin at gumawa kami ng report na halos 500 pages at doon po nilalaman ang lahat ng dahilan kung bakit namin nakita na binaluktot po ang batas para mapaboran ang isang kompanya,” giit ni Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na walang politika sa kanilang pag-iimbestiga sa Malampaya deal at binigyan nila ng pagkakataon si Cusi para sumagot sa pagdinig ng Senado noong Disyembre 2021.
“Kung papanoorin n’yo po ang hearing makikita n’yo po doon na papalit-palit ang sagot niya,” sabi ni Gatchalian sa panayam ng DWIZ kahapon.
Kaugnay naman sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dinepensahan si Cusi at ang transaksiyon sa Malampaya, sinabi ni Gatchalian na kaya nila tinapos na ang pagdinig at inihain ang report sa Office of the Ombudsman para magkaroon na ng pormal na imbestigasyon.
“Dito na talaga magkakasubukan `ika nga at sa aming mga pagdinig nakita namin ang mga paglabag sa batas,” ani Gatchalian.
Si Gatchalian ang nanguna sa imbestigasyon ukol sa Malampaya deal bilang chairperson ng Senate committee on energy. (Eralyn Prado)
The post Cusi klaro kapalpakan sa Malampaya deal – Gatchalian first appeared on Abante Tonite.
0 Comments