Lacson binuking galawan sa mga survey

Ibinunyag kahapon ni Partido Reporma presidential bet Senador Panfilo `Ping’ Lacson ang nadiskubre niyang galawan para manipulahin ang resulta ng election survey.

Inilahad ito ni Lacson kasabay ng pagsasabing tatapusin nila ng kanyang running mate na si Senate President Vicente `Tito’ Sotto III ang pagtakbo ngayong halalan sa kabila ng mga naglalabasang pre-election survey.

“First, surveys do not represent the sovereign will of the people, `di ba? Election does. And we’re 80 days away from Election Day,” sabi ni Lacson sa lingguhang `Meet the Press’ forum na ginanap sa kanilang campaign headquarters sa Parañaque City.

Hindi kumbinsido si Lacson na “accurate” ang resulta ng mga survey kahit pa mayroong mga “methodology” na ginagamit ang mga survey firm sa pagkalap ng mga datos.

Binanggit ni Lacson ang personal niyang karanasan nang unang tumakbo sa pagka-pangulo noong 2004 kung saan ang anak aniya ng isa niyang supporter sa Cebu ay tinanong sa survey na ginawa ng isang major polling firm.

Gusto umano ng anak ng kanyang kaibigan na iboto si Lacson subalit hindi naman kasama ang pangalan ng senador sa pagpipilian mula sa mga presidential candidate.

Subalit agad namang nilinaw ni Lacson na hindi niya inaakusahan ang mga survey firm katulad ng Pulse Asia at Social Weather Stations na sadyang kinokondisyon ang isip ng mga tao sa paglalabas ng kanilang survey dahil magkaiba aniya ang panahon noong 2004 at ngayong 2022 elections.

“But then ang sinasabi ko lang… [M]ay mga ganoong pangyayari because remember itong Pulse Asia and SWS, ‘di ba, ina-outsource din nila ‘yung field work and these are human beings. They’re only humans, ‘di ba, na after all puwedeng mapasukan ng mga operator,” sabi ni Lacson.

“So, doon (ako) nanggagaling. So, again, I’m not accusing Pulse Asia or SWS na sila ay vulnerable sa ganyan. But I’m just sharing with you my own experience in 2004, which has been documented by the way,” paglilinaw pa ng senador.

The post Lacson binuking galawan sa mga survey first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments