10 pulis sibak sa sabong `hulidap’

Sinibak sa puwesto ng kanilang regional director ang 10 miyembro ng Pampanga provincial police office matapos madawit sa `hulidap’ ng 10 sabungero sa naturang lalawigan noong nakaraang linggo.

Inatasan ni Police Regional Office (PRO) 3 director Brig. Gen. Matthey Baccay si Pampanga Police chief Col. Robin Sarmiento na ilipat sa Camp Olivas ang mga sinibak na pulis habang dinidinig ang kasong administratibo laban sa mga ito.

Dinisarmahan na rin ang 10 pulis at kasalukuyang nasa kustodiya ng Personnel Holding and Accounting Unit ng PRO 3 sa San Fernando City habang hinihintay pa ang pagdinig sa kanilang kaso.

Sinampahan ng kasong administratibo ang 10 pulis na sangkot sa hulidap matapos na ipagharap ng kasong kriminal o robbery sa Pampanga Provincial Prosecutor’s Office.

Ayon kay Baccay, sa oras na mapatunayan na nagkasala sa gagawing administrative hearing ay matatanggal sa serbisyo ang 10 pulis.

Nabatid na hindi ipinaalam ng 10 pulis sa kanilang superior ang ginawang pagsalakay sa cockfighting farm ni Engineer Alberto Gopez noong Marso 19, 2022 dakong 10:30 ng umaga sa Barangay Duat, Bacolor, Pampanga

Sa naturang raid, nilimas umano ng mga pulis ang pera at mga alahas ng 10 sabungero.

Habang isinasagawa ang raid ay pinaghuhubad umano ng mga pulis ng pang-itaas na damit ang 10 sabungero at kinapkapan habang nililimas ang kanilang pera at mga alahas. Pero, pinakawalan din ng raiding team ang 10 sabungero.

Ayon kay Gopez, nagtaka sila bakit pinakawalan at hindi kinasuhan ng mga pulis ang kanyang mga kaibigan na sabungero.

Inamin ni Gopez na ilegal ang tupada at handa nilang panagutan ang kinasangkutan subali’t ang hindi nila matanggap ay mas ilegal pa aniya ang ginawa ng 10 pulis.

Ayon sa ulat, tinatayang umabot sa kalahating milyong piso ang halaga ng mga alahas at pera na tinangay ng 10 pulis mula sa mga sabungero.

Batay sa isinumeting ulat ng Bacolor Police, nakilala ng mga inakusahang pulis na sina Corporal Resty B. Delima, Corporal Jayarr G. Macaraeg, Master Sergeant Rommel L. Nool, Patrolman Jhusua T. Fernandez, Patrolman Bryan M. Pasquin, Corporal Alvin Pastorin, Patrolman Bjay A. Sales, Corporal Norman A. Lazaga, Patrolman Jayson M. Matinez at Patrolman Jeff Van D. Cruz. (Rudy Abular)

The post 10 pulis sibak sa sabong `hulidap’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments