Nagtamo ng first degree burn sa mukha ang isang street sweeper nang biglang sumabog ang liquefied petroleum gas (LPG) sa loob ng Pizza Hut branch sa Brgy. Vasra, Quezon City kahapon nang madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Fire District, bandang alas-4:32 nang madaling-araw nang sumabog ang LPG sa loob ng Pizza Hut na matatagpuan sa no. 74 Visayas Avenue.
Sinundan ito ng malakas na pagliyab ng apoy sa gusali na may tatlong palapag nap ag-aari umano ng isang Maria Carmen kung saan nangungupahan ng puwesto ang Pizza Hut.
Dahil sa lakas ng pagsabog ay inabot ang street sweeper na si Sophia Rafa na nagwawalis ng mga oras na iyon sa harapan ng Pizza Hut at nagtamo ng first degree burn sa kanang pisngi.
Ayon sa mga rumespondeng arson investigator, mabuti na lang umano at hindi pa bukas ang Pizza Hut at wala pang tao sa loob nang sumabog ang LPG.
Umabot sa first alarm ang sunog na agad namang naapula bandang alas-5:14 nang madaling-araw.
Inaalam pa ng mga arson investigator ang halaga ng napinsala sa nasunog na Pizza Hut branch. (Dolly Cabreza)
The post Pizza Hut nagliyab sa LPG first appeared on Abante Tonite.
0 Comments