2 dedbol, 8 sugatan sa sumirkong Ford Ranger

Dalawa katao ang nasawi habang sugatan ang walong iba pa matapos sumabog ang gulong at ilang ulit na bumaligtad ang sport utility vehicle (SUV) na sinasakyan ng mga biktima sa Naga, Zamboanga Sibugay, kamakalawa.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Hasim Antol, 53, at Pastra Jain, 43, pawang residente ng Barangay Salipyasin, Kabasalan, Zamboanga Sibugay.

Nakilala naman ang walong sugatan na sina Jomar Abduhraman, 38, drayber ng SUV; Anhar Abduhraman, 31; Mey Sarah Antol, 52; Jessie Gadiangan, 48; Ambrin Abduhrahman 43; Hamid Alsree, 57; Nurhani Alsree, 51; ay Shariffa Marjona Alsree, 21.

Sa ulat ng tanggapan ni Major Shellamie Chang, tagapagsalita ng Police Regional Office 9, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng umaga sa kahabaan ng national highway sakop ng Barangay Baga habang lulan ang mga biktima ng Ford Ranger at patungo sana sa bayan ng Ipil.

Lulan ang mga biktima ng kulay brown na Ford Ranger patungo sana ng bayan

Nabatid na nag-overtake ang SUV sa sinusundang sasakyan subalit sumabog ang gulong nito dahilan upang mawala sa giya ang drayber at ilang ulit na bumaligtad ang nasabing sasakyan.

Mabilis naman ang responde ng pulisya at iba pang rescue team at agad isinugod ang mga biktima sa Zamboanga Sibugay Provincial Hospital subalit nasawi rin sina Antol at Jain dahil sa tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang tunay na pangyayari sa naganap na aksidente.(Edwin Balasa)

The post 2 dedbol, 8 sugatan sa sumirkong Ford Ranger first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments