Naka-hospital arrest ngayon ang isang 35-anyos na lalaki matapos gawing punching bag ng taumbayan nang tangayin ang isang mountain bike sa isang food shop sa Bacoor City, Cavite nitong Biyernes ng hapon.
Bantay-sarado ngayon ng mga pulis ang suspek na si Ronnie Imperial, walang trabaho, at residente ng Platinum, malapit sa Mosque, Brgy. San Nicolas 3 Ext., Bacoor City dahil sa tinamong bugbog sa mga Caviteño.
Sa ulat ni Corporal Edilberto Reyes Jr. ng Bacoor City Police Station (CPS), bago ang insidente ay nakatanggap ng ulat ang Bacoor CPS hinggil sa isang lalaki na isinugod sa Las Piñas General and Trauma Center sa Las Piñas City dahil sa biktima ito ng pambubugbog.
Subalit sa pag-iimbestiga ng Bacoor CPS, lumalabas na kaya naospital ang parehong lalaki ay dahil kinuyog ito ng taumbayan matapos umanong tumangay ng isang mountain bike.
Nabatid na dakong alas-3:40 ng hapon, kamakalawa, nang iparada ng biktimang si James William Aliga, 33, food handler ng Andok’s, ang kanyang mountain bike sa harapan lang ng nasabing tindahan sa NIA Road, Brgy. Bayanan, Bacoor City, Cavite at pumasok na sa trabaho.
Huli na nang malaman niya na ninakaw ng isang lalaki ang kanyang bisikleta kaya humingi na siya ng tulong sa mga concerned citizen sa nasabing lugar.
Ang mga concerned citizen ang humabol sa suspek at nang kanila itong naabutan ay bugbog-sarado na ito sa kanila.
Samantala, narekober din umano mula sa suspek ang nasabing mountain bike ni Aliga. (Gene Adsuara)
The post Bikenapper ginawang punching bag ng mga Caviteño first appeared on Abante Tonite.
0 Comments