Timbog ang isang delivery rider na suma-sideline bilang tulak ng ilegal na droga matapos itong masakote habang hinihintay ang kanyang kustomer sa loob ng isang bus terminal sa Tuguegarao City, Cagayan nitong Sabado.
Hindi na nakapalag ng posasan ng mga tauhan ng pinagsanib na puwersa ng City Drug Enforcement Unit at Tuguegarao Police ang suspek na nakilalang si Jerechris Littua, 26, residente ng Tanza, Tuguegarao City.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa 2.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,000.
Sa ulat ni Lt. Franklin Cafirma, hepe ng Tuguegarao City police, nadakip ang suspek Sabado ng hapon habang hinihintay ang kanyang kustomer sa loob ng 5-Star bus terminal na matatagpuan sa Diversion Road, Balzain West sa naturang siyudad.
“Sa loob ng bus terminal s’ya nag-antay ng ka-transact n’ya at doon naaktuhan ang dala na umano’y ilegal na droga,” pahayag ni Cafirma.
Si Littua, ayon sa pulisya ay isang street level drug pusher.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. (Edwin Balasa)
The post Delivery rider bistado sa P20K shabu first appeared on Abante Tonite.
0 Comments