Pabor si presidential candidate Senador Panfilo `Ping’ Lacson sa nuclear power bilang posibleng pagkukunan ng enerhiya ng bansa.
“Ang nuclear kasi ang cleanest tapos cheapest. Ang makikinabang diyan `yong consumers, mura kasi,” sabi ni Lacson sa isang press conference.
Noong Miyerkoles, inihayag ng Department of Energy na nakatakdang pumasok sa cooperation agreement ang Pilipinas sa United States para pag-aralan ang posibilidad na magkaroon ng nuclear power na pagkukunan ng enerhiya sa bansa.
Sabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi, naghihintay na lang ang DOE ng go signal ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos isumite ang pag-aaral sa Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee (NEPIAC) noong 2020.
Kung papalarin ang tambalang Lacson-Sotto, nangako silang isusulong na magkaroon ng nuclear energy ang bansa.
“Ang daming puwedeng i-harness at `yong nuclear is also one. Ang consideration lang natin doon talaga is the safety,” ani Lacson.
Samantala, naglabas ang Malacañang ng Executive Order no. 164 para pag-aralan ang posibleng paggamit ng nuclear energy at pagtatayo ng iba pang nuclear power plant para dagdag na supply ng enerhiya sa bansa.
Iniutos ni Pangulong Duterte na magkaroon ng pambansang posisyon para sa Nuclear Energy Program sa layuning maabot ang paglago ng bansa, maibigay ang tunay na serbisyo sa mamamayan at para mapatatag ang pagnenegosyo at dagdag na oportunidad para sa mga Pilipino.
Nakapaloob sa EO ang kautusan sa NEPIAC na gumawa ng rekomendasyon at mas pinalawig pang pag-aaral kung maaari pang gamitin ang Bataan Nuclear Power Plant at magtayo ng iba pang pasilidad para sa paggamit ng nuclear energy. (Dindo Matining/Aileen Taliping)
The post Nuclear energy mura na, malinis pa – Lacson first appeared on Abante Tonite.
0 Comments