Bebot bistado trabaho abroad modus sa NAIA

Hindi na nagawang makaalis ng bansa ang isang babaeng sangkot umano sa illegal recruitment matapos na arestuhin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) habang naghihintay ng kanyang flight papuntang Singapore sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge Director Eric Distor ang suspek na si Jonalyn Bueno y Dacayao.

Ayon kay Distor, noong Abril 10 inaresto si Bueno habang hinihintay ang kanyang Cebu Pacific flight papuntang Singapore dahil naghinala ang mga immigration officer na iligal na ni-recruit ng suspek ang dalawa pa nitong kasamang pasahero para magtrabaho sa ibang bansa.

Matapos arestuhin ay isinuko si Bueno sa NBI International Airport Investigation Division.

Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, inamin umano ni Bueno na kasama niyang bibiyahe ang dalawang kaibigan na kinilalang sina Normina Sapad at Joy Agassid.

Sinabi umano ni Bueno na nakilala lang niya si Sapad sa Facebook habang pinakilala naman sa kanya si Agassid ng isang kaibigan mula sa Nueva Ecija.

Subalit ibinunyag ni Sapad na nagkakilala sila ni Bueno sa pamamagitan ng kanyang pinsan na nagtatrabaho sa Dubai. Inihayag pa ni Sapad na sinabi umano sa kanila ni Bueno na marami na itong pinadala sa Dubai para magtrabaho dahil mayroon siyang travel agency.

Sa paglalahad ni Sapad, nakumpirma ang hinalang sangkot sa illegal recruitment ang suspek.

Nabatid din ng NBI na hindi lisensiyado si Bueno para mag-recruit ng mga manggagawa na magtatrabaho sa ibang bansa.

Kinasuhan na ang suspek ng paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act sa Pasay City Prosecutor’s Office.

The post Bebot bistado trabaho abroad modus sa NAIA first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments