Nangako si vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na ipatutupad sa buong bansa ang programa ng kanilang lungsod upang makasama ang mga person with disability (PWD) sa pagpapa-unlad ng bansa.
Sa kanyang pagbisita sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) compound sa Quezon City, iginiit ni Mayor Sara na dapat mabigyan ng prayoridad ang mga PWD sa mga programa ng pagnenegosyo at kabuhayan.
“Sa Davao City, gusto nila (PWD) meron silang autonomy sa pagpapatakbo ng opisina. Kaya `yon po ang tinatrabaho namin na hindi na po sila naka-attach sa aming City Social Welfare and Development Office,” ng alkalde.
Sinabi ni Mayor Sara na mahalaga ang maitutulong ng pagnenegosyo sa mga PWD upang magkaroon ng financial stability ang mga ito.
“Ang unang-unang direksyon namin sa lahat ng sektor sa Davao ay ang pagnenegosyo dahil `yon ang pinakamabilis na natutunan ng tao at mabilis na pagpasok ng pera sa kanilang mga bahay at mga pamilya. Nagbibigay din kami ng opportunities dahil ang iba ay trabaho ang gusto at hindi pagnenegosyo,” dagdag pa ng alkalde.
Iginiit ni Mayor Sara ang pangangailangan na palakasin at ipatupad ang Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Disabled Persons upang matulungan ang mga PWD at makasama sila sa pagpapa-unlad ng bansa. (Billy Begas)
The post Inday Sara bibigyan werpa mga PWD first appeared on Abante Tonite.
0 Comments