Itim na Nazareno prusisyon sa Biyernes Santo

Magkakaroon ng prusisyon ng Itim na Nazareno sa Biyernes Santo, Abril 15.

Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, isasagawa ito sa pamamagitan ng isang motorcade kung saan susundan nito ang parehong ruta ng Traslacion.

Subalit hindi aniya papayagan ang mga deboto na hilahin o sumampa sa karosa ng Itim na Nazareno.

“Lalabas ang Nazareno sa Biyernes Santo pero motorcade ang Nazareno. Hindi po ito hihilahin o maglulubid. Hindi ito sasampahan ng mga hijos o ng mga deboto. Sana maintindihan ng mga deboto na pupunta sa Biyernes,” pahayag ni Fr. Badong sa panayam ng himpilang dzBB kahapon.

Pinaalalahan din nito ang mga sasama sa motorcade na magsuot ng face mask at iwasan ang mag-paa.

Samantala, pinapayagan na ng simbahan ang mga deboto na muling hawakan ang imahe ng Itim na Nazareno.

Ngunit hindi naman hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang paghalik sa mga altar at pagpapako sa krus sa gitna ng COVID-19 pandemic. (Sherrylou Nemis)

The post Itim na Nazareno prusisyon sa Biyernes Santo first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments