Himas rehas ngayon ang isang lalaki na sa sobrang kalasingan ay binangga ng minamanehong sport utility vehicle (SUV) ang tatlong sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada sa Quezon City kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ng Land Transportation Office, wala namang nasaktan sa pangyayari subalit inireklamo ng mga may-ari ng nabanggang sasakyan ang nagmamaneho ng SUV na sadyang hindi muna pinangalanan ng ahensiya.
Base sa nakuhang impormasyon sa Facebook page ng I-ACT, naganap ang insidente kahapon ng umaga sa kahabaan ng Grants St., Barangay Sangandaan sa Quezon City.
Napag-alaman na napakalapad ng kalsada subalit dahil sa sobrang kalasingan ay nagpagewang-geawang ang SUV ng suspek dahilan upang mabangga nito ang tatlong nakaparadang sasakyan.
Rumesponde agad ang kapulisan kasama ang I-ACT Anti-Drunk and Drugged Enforcement Unit upang imbestigahan ang banggaan.
Tumambad sa mga operatiba ang nangangamoy alak na SUV driver kaya isinailalim agad siya sa field sobriety test at alcohol breath analyzer test.
Naduling at gumegewang ang lakad ng SUV driver na nasa 0.314% ang blood alcohol concentration.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting to damage to property at paglabag sa Republic Act No. 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013. (Edwin Balasa)
The post Senglot na SUV driver sinalpok 3 sasakyan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments