Mga Pinoy abroad aktibo sa absentee voting

Sinimulan na kahapon ang absentee voting para sa mga Pilipino na nasa ibang bansa Sa Hong Kong, blockbuster ang pila ng mga Pinoy na boboto sa Kennedy Town Centre.

Sa dami ng mga nagpunta, nakiusap na ang mga pulis na kung puwede ay sa ibang araw na pumila ang ilan sa mga Pilipino upang maayos na mapatupad ang mga protocol laban sa hawaan ng COVID-19, lalo pa’t nasa gitna pa sila ng fifth wave ng pandemya.

Sa United Arab Emirates (UAE) naman, umabot din sa kalsada ang mga botante sa Philippine Consulate sa Dubai.

May ipinuwesto nang dalawang police mobile sa labas ng gusali para mapanatili ang kaayusan sa lugar.

Isa ang UAE sa mga bansang may pinakamaraming registered Pinoy voters, na mahigit 300,000 ang bilang.

Sa Calgary sa Alberta, Canada, maagang isinailalim sa final testing at sealing ang mga vote-counting machines at iba pang election materials sa Philippine Consulate doon.

Isasagawa naman ang botohan sa pamamagitan ng mail o koreo. Nauna nang inanunsyo ng Commission on Elections na matatanggap ng mga Pilipino ang ipinadala sa kanilang balota simula kahapon na kanila namang ibabalik sa mga embahada at konsulado pagkatapos bomoto. Ganito rin ang gagawing diskarte sa Estados Unidos.

Tatagal ang overseas absentee voting hanggang Mayo 9, sa araw rin mismo kung kailan naman magsisimula ang halalan sa Pilipinas. (Damien Horatio Catada)

The post Mga Pinoy abroad aktibo sa absentee voting first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments