Nagbabala ang isang grupo na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga produktong agrikultura sa mga susunod na linggo dahil na rin sa epekto ng production cost sa mga magsasaka.
Gayunman, nilinaw ni Rosendo So, presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa panayam ng Dobol B TV na hindi naman magiging biglaan ang pagtaas ng presyo kundi dahan-dahan lang.
Ayon kay So, inaasahan nila ang pagtaas sa presyo ng mga produktong agrikultura gaya ng isda at gulay dahil tumataas na ang halaga ng mga raw material.
Dagdag pasanin aniya ito sa mga magsasaka dahil tumataas din ang kanilang production cost.
Inihalimbawa ni So ang presyo ng bangus na mula sa P85 kada kilo ay tumaas ng P135 kada kilo. Ang tilapia naman aniya ay nagkaroon ng P30 na taas-presyo.
Samantala, wala naman umano silang nakikita na posibleng pagtaas ng presyo ng bigas sa ngayon.
Una nang nanawagan ang SINAG sa pamahalaan na magtakda ng support price ng palay sa P21 kada kilo ngayong panahon ng anihan at suspindehin ang pinapataw na excise tax at value-added tax sa mga produktong petrolyo ng tatlong buwan.
Ayon sa SINAG, malaki rin ang epekto ng pagmahal ng presyo ng gasolina at krudo sa mga magbababoy, magmamanok at mangingisda dahil ginagamit ito hindi lang para sa pagbiyahe ng mga produkto ngunit sangkap ito sa mga fertilizer o pataba.
Ginagamit din aniya ang langis o krudo sa mga tractor, harvester, water pump para sa irigasyon at iba pa. (Eileen Mencias)
The post Sapol sa production cost ng mga magsasaka: Isda, gulay sisipa presyo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments