Umapela ang isang senatorial bet ni presidential candidate Senador Panfilo `Ping’ Lacson sa mga botante na huwag mabulag sa kung anu-anong pakulo ng ibang kandidato sa kanilang pagboto sa Mayo 9, 2022.
Inihayag ito ni dating Agriculture secretary Emmanuel `Manny’ Piñol sa harap ng libu-libong tagasuporta ni Lacson na nagsama-sama noong Sabado, Abril 9, sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Tinukoy ni Piñol ang `entertainment politics’ bilang istilo ng pangangampanya ng ibang kandidato na sa halip na ibigay ang kanilang mga plataporma ay kinukuha ang atensyon ng publiko sa pamamagitan ng pagsayaw o pagkanta na aniya’y hindi naman solusyon sa pang-araw-araw na problema.
“Kalimutan muna natin `yong mga sayawan, kalimutan muna natin `yong mga kantahan, kalimutan muna natin `yong mga nakakasilaw na ilaw at liwanagin natin ang ating isipan: Sino ang dapat mamuno sa ating bansa sa puntong ito na pinaka-kritical sa kasaysayan ng ating bansa?” apela ni Piñol.
Ipinakilala rin ng dating gobernador ng Cotabato sa harap ng mga dumalong tagasuporta ang mga kasamahang kandidato bilang mga bagong hanay aniya ng mga lingkod-bayan na nangangampanya dala ang mga solusyon sa mga isyu ng bansa.
“Mga kaibigan, marami kayong narinig sa kabilang partido, pero hindi kami nakisawsaw. Hindi po kami sumama doon sa hiyawan, sigawan, murahan… Sapagkat ang gusto naming maintindihan ninyo (ay) ang totoong problema ng ating bayan at ang mga taong magbibigay-solusyon sa mga problemang ito,” dagdag ni Piñol.
The post `Wag pasilaw sa pakulo ng mga politiko – Lacson team first appeared on Abante Tonite.
0 Comments