2 buwis buhay sa love triangle ng tropa

Love triangle ang nakikita ng pulisya kaya nagbuwis-buhay ang dalawang katao matapos tulungan ang kanilang kabigan nang pagbabarilin sila ng karibal nito sa Naic, Cavite Huwebes ng gabi.

Naisugod pa sa Gen Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang sina Lennox Nuguid, 24; Rico Mariscotes, 23, at John Aldy Bendijo, 24, subalit hindi na umabot ng buhay sina Nuguid at Mariscotes.

Arestado naman sa follow-up operation si Joshua Mojica y Mojica, 25, habang pinaghahanap ang kasabwat nitong sina John Zyrus Tafalla y Mojica alyas Laloy at Janiel Tafalla y Mojica alyas Janiel, 25.

Sa ulat ni PSSgt Richard Atienza, ng Naic Police Station, bago ang insidente ay nalaman ni Laloy na may namumuong relasyon sa pagitan ng common law wife niyang si Trisha Reyes at Bendijo at ito rin ang dahilan kung bakit sinaktan ni Laloy si Trisha.

Niyaya ni Laloy sina Janiel at Jotjot na mag-inuman at pinagplanuhang abangan si Bendijo paglabas niya sa kanyang trabaho.

Narinig ni Trisha ang usapan at ipinaalam ito kay Bendijo kaya tumawag ang huli sa kanyang mga kaibigan na sunduin siya paglabas sa trabaho.

Pag-uwi ni Bendijo alas-8:00 kamakalawa ng gabi ay inabangan sila ng grupo ni Laloy sa Brgy. Palangue 3, Naic, Cavite, hinarang ang sinasakyan nilang motorsiklo at kinompronta ng huli ang una hinggil sa relasyon nila ng kanyang kinakasama na nauwi na labo-labo.

Sinundan ito ng ilang putok hanggang sa makitang nakabulagta ang tatlong biktima.

Idineklarang dead on arrival sina Nuguid at Mariscotes habang naaresto naman si Jotjot sa follow up operation. Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng kalibre 38 na baril. (Gene Adsuara)

The post 2 buwis buhay sa love triangle ng tropa first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments