Bagama’t wala pang nakikitang dahilan ang Department of Health (DOH) para itaas ang alert level status sa COVID-19, inalerto na rin nito ang mga ospital sakaling dumami ang mga pasyente na kinakailangang tanggapin sa mga pagamutan.
“Inihahanda na po ang ating healthcare system, katulad po ng ating mga ospital, ng ating mga local government, pati na rin ang ating komunidad para kung sakali pong tataas, tayo po ay laging handa,” ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Kasunod ito ng pagtaas ng mga kaso ng COVID sa bansa subalit sinabi naman ni Vergeire na karamihan ng mga bagong kaso ng COVID ay mild hanggang moderate lamang ang sintomas.
Paniwala ng DOH na sanhi ng mas nakahahawang mga Omicron subvariant kung kaya’t nagkaroon ng panibagong pagtaas sa mga kaso ng COVID. Kasama rin umano ang paghina ng bisa ng bakuna laban sa coronavirus at ang mga hindi na sumusunod sa ipinatutupad na health protocol laban sa COVID tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.
“These are the three things that were included into our assumptions,” ani Vergeire.
Nilinaw pa ni Vergeire na kapag nagpatuloy na tumaas ang mga kaso ng COVID sa susunod na linggo ay saka magpapasya ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) sa magiging alert level status.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na kailangan munang rebisahin ng IATF lahat ng metrics sa COVID bago magdesisyon.
Kailangan aniyang kumpirmahin ang 2 week growth rate at ang average daily attack rate o ADAR.
NCR pinakamaraming kaso
Inihayag ng OCTA Research Group na nangunguna ang Metro Manila sa listahan ng mga rehiyon at lalawigan sa bansa na nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng COVID.
Sa ulat ng OCTA na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nitong Sabado, Hunyo 25, nakapagtala ang National Capital Region (NCR) ng 353 bagong kaso ng COVID.
Sinundan ito ng Cavite sa Region 4A (Calabarzon) na may 62 cases; Iloilo sa Region VI (Western Visayas) 41 kaso at Cebu sa Region 7 (Central Visayas) na may 40.
Ang Batangas sa Region 4A ay mayroong 37 bagong kaso, sumunod ang Rizal na 32 kaso habang 25 naman sa Laguna.
848 bagong kaso nationwide
Iniulat ng DOH nitong Linggo, Hunyo 26, na nakapagtala sila ng 848 bagong kaso ng COVID kung kaya’t umabot na ang total nationwide tally sa 3,700,876.
Ito na umano ang pinakamataas na single-day tally mula noong Marso.
Base pa sa datos ng DOH, tumaas ng 6,761 ang mga aktibong kaso ng COVID mula sa 6,425 na naitala noong Sabado.
Umakyat naman sa 3,633,096 ang bilang ng mga gumaling subalit tumaas sa 60,518 ang mga nasawi dahil sa coronavirus. (Juliet de Loza-Cudia/Dolly Cabreza)
The post 848 bagong kaso nationwide: Mga ospital inalerto sa COVID sirit first appeared on Abante Tonite.
0 Comments