Cebu gov yari sa DILG

Padadalhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng show cause order si Cebu Governor Gwendolyn Garcia para ipaliwanag ang inilabas nitong kautusan tungkol sa hindi na mandatory na face mask kapag nasa labas.

Sinabi sa Laging Handa public briefing ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na aatasan nila ang kanilang regional office sa Cebu para kausapin si Garcia kaugnay sa inilabas na executive order na pag-aalis sa paggamit ng facemask sa partikular na mga lugar.

Kapag aniya walang nangyari sa pakikipag-usap kay Garcia ay hindi maiiwasang mapadalhan ito ng show cause order kapag nagmatigas.

Binigyang-diin ng opisyal na kasalukuyang nasa national public health emergency ang bansa at lahat ng kautusan o direktiba sa mga lokal na pamahalaan ay alinsunod sa patakaran ng national government.

Bukod dito, sinabi ni Densing na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa paggamit ng face mask kaya hindi ito dapat na nilalabag o sinusuway ng mga lokal na pamahalaan. (Dolly Cabreza/Aileen Taliping/Kiko Cueto)

The post Cebu gov yari sa DILG first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments