Iminungkahi ng isang grupo sa mga opisyal ng gobyerno na sa halip alisin ang K to 12 program ay pagbutihin na lamang ito.
Ipinahayag ni Philippine Business for Education (PBEd) president Chito Salazar na sa tingin niya ay kailangan bigyan pa ng panahon ang programa.
“Nagsimulang ipatupad ang [K to 12] curriculum sa Grade 1 noong 2012. So iyong mga graduate ng isang buong K to 12 na programa, hindi pa nagtatapos… Pero huwag nating kalimutan, sa loob ng 12 years na iyan, nagkaroon po tayo ng pandemya. Wala po iyan sa plano. Huwag naman natin i-blame ang K to 12 dahil sa nangyari, dahil sa pandemya. So I think we need to give it more time,” aniya.
Binanggit din niya na maraming paraan para palakasin ito ang K to 12 program.
Inisa-isa ni Salazar ang mga dapat aniyang tutukan sap ag-aaral ng mga estudyante.
“Kailangan nating tutukan ang reading, writing, and mathematical skills. Based on that, bumuo ng curriculum,” ani Salazar.
Inamin din ni Salazar na mayroong krisis sa edukasyon sa bansa.
“Talagang mayroon tayong krisis sa edukasyon natin. Pero hindi naman ang may kasalanan noon ay K to 12. Isa nga iyan sa mga lunas sa krisis ng edukasyon,” pahayag nito.
Nagbigay din siya ng rekomendasyon kung ano ang mga kailangang gawin upang iangat ang programa.
“Hindi pa tapos ang laban, marami pang kailangang gawin. Kailangan natin ayusin ang mga pasilidad, kailangan nating pagandahin ang pagtuturo. At isa pa po, kailangan nating i-address ang malnutrition,” ayon pa kay Salazar. (Ansherina Jazul)
The post K to 12 `wag sisihin sa krisis ng edukasyon – PBEd exec first appeared on Abante Tonite.
0 Comments