Patay ang isang 63-anyos na lalaki makaraang ma-trap sa loob ng kanyang sasakyan na aksidenteng nahulog habang nakaparada sa gilid ng dagat sakop ng Brgy. Kinawitnon, Babak District, Island Garden City of Samal kahapon nang madaling-araw.
Ayon sa ulat ni Ensign Vasit Venturillo ng Philippine Coast Guard (PCG), patay na ng kanilang makuha sa loob ng lumubog na sasakyan ang biktimang si Rogelio Tacder, residente ng Panabo City, Davao del Norte.
Batay sa inisyal na ulat, dakong alas-2:20 nang madaling-araw ng mangyari ang trahedya sa Mae Wess Port sa Brgy. Kinawitnon.
Lulan ng kanyang KIA Bongo ang biktima at nakaparada sa gilid ng dagat habang naghihintay ng paparating na barge patawid ng Samal Island patungo sana sa Davao.
Napag-alaman na aksidente umanong naapakan ng biktima ang accelerator ng kanyang sasakyan dahilan upang magtuloy-tuloy itong mahulog sa dagat.
Agad namang naiulat sa himpilan ng PCG ang insidente at nakipag-ugnayan ito sa City Disaster Risk Reduction and Management Office para sa search and rescue operation.
Nakuha ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang sasakyan dakong alas-6:15 ng umaga.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa ikalilinaw ng kaso.(Edwin Balasa)
The post Kotse `hinigop’ ng dagat, drayber tigok first appeared on Abante Tonite.
0 Comments