Pinayagan ng Sandiganbayan ang pamilya Marcos na magsumite ng kanilang ebidensiya sa ill-gotten wealth case na isinampa ng gobyerno noon pang 1987.
Sa 13 pahinang desisyon ng anti-graft court na inilabas kahapon, ibinasura nito ang hiling ng gobyerno, sa pamamagitan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na i-waive ang presentasyon ng ebidensiya ng pamilya Marcos sa dahilang hindi nadakalo sa itinakdang pagdinig ng korte noong Agosto 2019.
Sa pagbasura sa mosyon ng PCGG ay pumabor ang Sandiganbayan sa pamilya Marcos sa pagsasabing lahat ng isinasakdal ay mayroong karapatan na magpresinta ng kanilang ebidensiya sa hukuman.
“Admittedly, defendant Marcos, Jr. et. al. did not attend the hearing dated 13 August 2019 set for the presentation of defendants’ evidence. However, in the higher interest of substantial justice, and, considering the nature of the case where defendants stand to lose their properties, the Court denies the instant motion and hereby gives the defendants another chance to present their evidence in support of their defense,” ayon sa Sandiganbayan.
Binigyang-diin pa ng Sandiganbayan na bahagi ng paghahanap ng katotohanan na payagang magpresenta ang mga akusado ng kanilang ebidensiya sa paglilitis ng kaso.
Sinandalan ng Sandiganbayan ang naging desisyon ng Korte Suprema sa Samartino vs. Raon case kung saan sinabi nito na dapat maging liberal ang anti-graft court sa interpretasyon ng court rules na nakaangkla dapat sa merito ng kaso at hindi sa teknikalidad.
Nag-ugat ang kaso sa Civil Case No. 0014 kung saan inakusahan ng PCGG ang mag-asawang Rebecco at Erlinda Panlilio na business associates nina dating pangulong Ferdinand Marcos at asawang si Imelda na dummy sa pagkuha ng mga negosyong Ternate Development Corporatin, Monte Sol Development Corporation, Olas del Mar Development Corporation, Fantasia Filipina Resort Inc., Sulo Dobbs Inc., Philippine Village Inc., Silahis International Hotel at Hotel Properties Inc.
Bukod sa mag-asawang Panlilio ay ginamit din umano ng mga dummy sina Modesto Enriquez , Trinidad Diaz-Enriquez , Leandro Enriquez, Guillermo Gastrock, Ernesto Abalos at Gregorio Castillo ang kanilang koneksyon sa pamilya Marcos para makakuha ng iba pang negosyo gamit ang pondo ng pamahalaan.
Ang desisyon ay ipinalabas ng Sandiganbayan Second Division sa sala nina Associate Justices Arthur Malabaguio, Oscar Herrera at Michael Frederick Musngi.
Inatasan ng Sandiganbayan ang mga Marcos na iprisinta ang kanilang ebidensya sa korte sa Hulyo 7. (Tina Mendoza/Juliet de Loza-Cudia)
The post PCGG tablado hirit vs Marcos wealth first appeared on Abante Tonite.
0 Comments