7.1M shabu biniyahe sa Negros Occidental, 2 Manilenya dinampot

Timbog ang dalawang babaeng courier mula sa Maynila matapos nilang tangkaing ibagsak at ikalat ang P7.1 milyong halaga ng iligal na droga sa Silay City, Negros Occidental noong Biyernes.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Razel Lyam Gamazan, alyas “Tomboy”, 37-anyos at Lennie Nava alyas “Nene”, 40 anyos, kapwa residente ng Tandang Sora, Quezon City.

Nadakip ang mga ito sa ikinasang buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6; at Station Drug Enforcement Team ng Silay City Police Station sa Seaview, Barangay Guinhalaran sa Silay City bandang alas 11:20 ng gabi.

Ayon pulisya, bumibiyahe ang mga suspek sakay ng Roro habang dala ang kanilang kotse na ginagamit nila sa pagde-deliver ng droga sa kanilang mga parukyano. Matapos ang P30,000 palitan ng droga at bayad ng poseur buyer at ng mga suspek, hinudyat ang pagdakip sa mga ito.

Nakumpiska ang 29 sachet ng umano’y shabu sa kanilang sasakyan.

Ang mga suspek umano ang supplier ng shabu sa Western Visayas. Mayroon umanong contact ang mga ito sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kung saan galing ang mga droga. (Edwin Balasa)

The post 7.1M shabu biniyahe sa Negros Occidental, 2 Manilenya dinampot first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments