Himas-rehas ang dalawang online seller ng mga pekeng SIM card na mayroon nang verified GCash account matapos silang damputin sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Regional Anti-Cybercrime Unit-1 (RACU-1) sa food court ng isang mall sa Rosales, Pangasinan nitong Huwebes.
Ayon kay Police Colonel Domingo Dimarucut Soriano, officer-in-charge ng RACU-1, nadakip ang mga suspek na sina Rodelyn Regelme, 31-anyos, residente ng Brgy. Acop, Rosales, Pangasinan at Frederick Liban, 39, ng Brgy. Militar, Port Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija sa isang mall sa Brgy .Carmen East ng nasabing bayan bandang alas-5:00 ng hapon.
Nauna rito, nakipagtransaksyon sa Facebook ang mga awtoridad sa umano’y kasabwat ng mga ito na si Pareneo Jena Rose na nag-aalok ng mga SIM card na mayroon nang GCash account.
Matapos ang ilang palitan ng mensahe, pumayag na ang mga suspek na bentahan ng SIM card ang poseur buyer sa food court ng mall. Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong cellphone na gamit nila sa kanilang ilegal na transaksyon, 22 piraso ng SIM card na mayroon ng GCash account, pitong SIM card chips at boodle money na ginamit sa operasyon.
Pinag-iingat naman ng pulisya ang publiko na tiyaking lehitimo ang nakakatransaksyon nila sa online para hindi mabiktima ng mga scammer. (Edwin Balasa)
The post Pekeng SIM card na may GCash account buking, 2 seller huli first appeared on Abante Tonite.
0 Comments