Mga boga, pampasabog nasamsam sa Quezon

Sari-Saring armas at mga pampasabog ang nakumpiska ng mga awtoridad nang salakayin ang bahay ng isa umanong miyembro ng gun-for-hire group sa Tiaong, Quezon nitong Huwebes ng umaga.

Wala ang suspek na si Vicente Herrera nang salakayin ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Quezon Police para isilbi ang search warrant sa bahay nito sa Barangay Anastacia bandang alas-6:40 ng umaga.

Kinustodiya naman ng mga awtoridad ang asawa at dalawang anak nitong lalaki na nadatnan sa bahay.

Nakuha sa raid ang 12 iba’t ibang klaseng baril, tatlong granada at sangkaterbang mga magazine at mga bala na pawang walang mga kaukulang papeles. Kabilang sa nakuhang mga baril ang tatlong cal .45, isang Cal. 45 Thompson submachine gun, isang US Carbine at tatlong shotgun.

Ayon sa ulat, miyembro si Herrera, 52-anyos, ng gun-for-hire group na nag-o-operate sa CALABARZON. Ang bahay umano nito ang ginagawang meeting place ng grupo at siya ring taguan ng mga armas. Dati rin umano itong konektado sa New People’s Army (NPA). (Ronilo Dagos)

The post Mga boga, pampasabog nasamsam sa Quezon first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments