Tatay ni Dok ginantihan, tinadtad ng pagbabanta sa kanyang buhay

Ibinunyag ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Police Regional Office director Brig. Gen. Arthur Cabalona na tinadtad ng pagbabanta sa kanyang buhay ang tatay ni Dr. Chao Tiao Yumol matapos nitong barilin at mapatay si dating Lamitan City, Basilan Vice Mayor Rose Furigay sa loob ng Ateneo de Manila University (AdMU) sa Quezon City noong naka­raang linggo.

Ayon kay Cabalona, agad na nalagay sa panganib ang buhay ng biktimang si Rolando Yumol, 69-anyos, isang araw matapos mapatay ng kanyang anak si Furigay, na ikinadamay ng aide nito at guwardiya ng unibersidad.

Sa katunayan, nagtungo aniya sa bahay ni Yumol nitong Huwebes si Basilan Provincial Police Office director Col. Pedro Martirez, Jr. para pag-ingatin ito dahil sa tinatanggap nitong mga death threat.

Nagpadala rin aniya sila ng mga pulis sa labas ng bahay ng mga Yumol at pinayuhan din ito na huwag munang lalabas ng bahay.

Gayunman, lumabas ito ng bahay bitbit ang kanyang cal. 45 na baril bandang alas-6:55 ng umaga bago pa man dumating ang kanyang security. Sinamantala aniya ito ng mga suspek na lulan ng motorsiklo at pinaputukan ito.

Dahil sa insidente, sinabi ni Cabalona na nakatanggap siya ng impormasyon na umalis na sa kanilang mga tahanan ang mga kaanak ni Yumol sa Basilan at Zamboanga para magtago.

The post Tatay ni Dok ginantihan, tinadtad ng pagbabanta sa kanyang buhay first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments