Hindi na nagtaka si Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat kung bakit may ilang hanay sa pamahalaan ang tila kabi-kabilang umaatake kay Executive Secretary Vic Rodriguez.
Aniya bagaman hindi maganda para sa administrasyon ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang ginagawang pag-atake sa kanyang executive secretary, normal lamang ito lalo’t naninindigan si Rodriguez na gawin ang dapat sa pamahalaan.
“Buffer siya. Talagang ‘yan naman ang trabaho ng ES, to take the hit – H I T- and take the heat – H-E-A-T. So dapat talaga he should step up and expect na mangyayari iyan,” ani Cabatbat.
Kamakailan ay kumalat ang balitang nagbitiw na bilang ES si Rodriguez bagay agad pinabulaan nito nang harapin ang mga miyembro ng Malacanan Press Corps (MPC) sa Malakanyang nitong Biyernes ng tanghali.
Naniniwala si Cabatbat na hindi kasama ang puwesto ni Rodriguez para sa tinatawag na 100 days honeymoon period dahil bilang ‘Little President,’ natural na sa kanya ibaling ang mga hindi nakukuhang pabor ng ilang naghahanap ng puwesto sa pamahalaan.
Nangangamba ang kongresista na sakali mang may ilang grupo sa ‘inner circle’ ng Palasyo ang nagpaplano ng masama para ipatanggal si Rodriguez ay hindi maganda ito para mismo sa administrasyon ng Pangulong Marcos. Ang reklamo ng ilan na mabagal ang ginagawang appointment sa ilang puwesto ng pamahalaan ay hindi dapat tingnan bilang negatibo para sa PBBM administration.
Sa halip ay magandang pangitain ito para patunayan ni PBBM na seryoso ito sa pagtatalaga ng mga tamang tao sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Cabatbat na sila sa hanay ng sektor ng Magsasaka ay nakasuporta at nagtitiwala sa kakayahan ni Rodriguez bilang ES, lalo’t mismong si PBBM din ang kasalukuyang sekretaryo ng Department of Agriculture.
Sinabi pa ni Cabatbat na si Rodriguez na mula sa private sector ay walang rekord ng korapsiyon.
Si Cabatbat, bago ang adjournment ng 18th Congress ang nanguna sa isinagawang imbestigasyon hinggil sa talamak na ‘vegetable smuggling’ sa bansa.
Nanawagan din si Cabatbat sa ilang cabinet officials o mga maiimpluwensiyang tao na itigil na ang planong sirain ang relasyon nina PBBM at ES Rodriguez.
The post PBBM seryoso sa pagtatalaga ng tamang tao sa gobyerno first appeared on Abante Tonite.
0 Comments