Yaya minaltrato alagang autistic, kalaboso

Kulong ang 55-anyos na yaya makaraan nitong maltratuhin ang alagang dalaga na mayroong autism sa Bagong Silangan, Quezon City noong Sabado ng hapon.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Child Abuse) laban sa suspek na si Marlyn Regner Bantilan, may asawa, tubong Butuan City at naninirahan sa Congressional Road, Batasan Hills sa Quezon City.

Sa report ng Payatas Bagong Silangan Police Station 13, nangyari ang pagmamaltrato ng suspek sa 19-anyos na biktima sa bahay ng huli sa Filinvest 2, Bagong Silangan, Quezon City bandang alas-2:32 ng tanghali.

Sa imbestigasyon ni Pat. Joyce Almaira Vasquez ng Women and Children’s Protection Desk, narinig ni Anice Salvie Yumul na sumisigaw ang kanyang kapatid sa silid nito.

Agad umano niyang tiningnan sa CCTV na naka-install sa kuwarto nito at nakakonekta sa kanyang CP ang dahilan ng pagtitili ng kapatid.

Nagulat umano siya nang makita ang suspek habang dinudukot ng dalawang kamay nito ang mga dibdib ng kanyang kapatid at saka ito itinulak dahilan para bumagsak sa sahig ang dalaga.

Isinumbong ni Anice sa kanilang ama ang kanyang nakita na agad namang nagtungo sa barangay na nagresulta sa pag-aresto sa suspek. (Dolly Cabreza)

The post Yaya minaltrato alagang autistic, kalaboso first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments