Muling bumagsak ang palitan ng piso sa dolyar nitong Huwebes, Setyembre 22, at nagtala ng panibagong pinakamababa nito sa kasaysayan subalit hindi naman ikinabahala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Nagbukas ang palitan sa P58.1 na mas mahina ng 10 sentimo kaysa sa pagsara nito sa P58 noong Miyekoles, at sumadsad pa sa P58.50 bago nagsara sa P58.49.
Mas marami ang transaksyon kahapon na umabot sa $1.514 bilyon kumpara sa $1.051 bilyon noong Miyerkoles at nag-average ang piso sa palitan na P58.406 sa dolyar.
Ayon kay Bank of Philippine Islands (BPI) lead economist Emilio Neri Jr., mahigit 12% na ang binagsak ng halaga ng piso ngayong taon at nakakadagdag ito sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinisisi ng marami ang paghina ng piso sa paglakas ng dolyar na hatid ng pagtataas ng interest rate ng US Federal Reserve Board. Dahil sa pananaw na mas matibay ang dolyar, lumilipat dito ang mga investor kapag nagtataas ng interest rate ang Estados Unidos.
Subalit hindi naman nababahala ang BSP sa pagbulusok ng piso dahil inaasahan na umano nila ito sa pagtataas ng interest rate ng Amerika.
“The current movement of the peso is expected as it reflects the strengthening of the US dollar given its tightening,” sabi ni BSP Deputy Governor Francisco Dakila.
Aniya, hindi nagtatarget ng peso-dollar rate ang BSP dahil ang merkado lamang ang makapagsasabi ng tunay na halaga nito.
Sabi pa ni BSP Director for Economic Research Dennis Lapid, ang palitan ng piso ay angkop lamang sa nangyayari sa ekonomiya.
“Our analysis suggests that the peso is still broadly in line with the economy’s macro fundamentals,” sabi ni Lapid. (Eileen Mencias)
The post P58.49 na palitan sa dollar, BSP kampante pa first appeared on Abante Tonite.
0 Comments