Hindi pa dapat maging kampante ang mga Pinoy sa COVID-19 pandemic dahil patuloy pa rin ang community transmission ng variant nito at nasa panglima ang Pilipinas sa may pinakamataas na bilang ng mga nasawi sa virus.
Sa kanyang pagdalo sa Laging Handa public briefing nitong Lunes, sinabi ni Dr. Rontgene Solante, isang infectious diseases expert, na hindi pa niya nakikita ang pagtatapos ng pandemya sa bansa dahil mataas pa rin ang death rate ng virus sa Pilipinas.
“All of the WHO (World Health Organization) regions are already reporting a significant decrease in the number of new cases and the number of new deaths. Now, the question is, are the same scenarios happening in the country?” ani Solante.
Hindi umano niya makita ang katulad na scenario sa Pilipinas dahil bagama’t mababa na ngayon ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa ay mayroon pa ring community transmission tulad ng BA.5 variant ng Omicron.
Batay sa datos aniya ng WHO, lumalabas na panglima ang Pilipinas sa may pinakamataas na death rate ng COVID-19 kada linggo sa buong mundo.
“Makikita dito sa datos ng WHO ang Philippines ay fifth among, globally, reporting new death on a weekly basis last week. Ang ibig sabihin kung matatanaw natin, hindi pa po siguro within the next two, three months (matatapos ang pandemya),” ayon pa kay Solante. (Juliet de Loza-Cudia)
The post PH COVID death panglima sa mundo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments