Agad na umaksyon ang Philippine National Police (PNP) Region 4A sa ginawang pagkubkob ng mga tauhan ng Sinagtala Security Agency sa bahagi ng conservation area sa Km 48 ng Marikina-Infanta Highway sa Tanay, Rizal.
Ayon kay Acting Regional Director ng Police Regional Office 4A, PBGen Jose Melencio C Nartatez, Jr., agad nilang pinuntahan ang nasabing lugar at nang maabutan, pinagkukumpiska nila ang aabot sa 15 baril mula sa mga guwardiya.
Kinumpiska ng Regional Civil Security Unit 4A, mula sa mga security guard ang 12 shotguns at tatlong cal. 38 pistols mula sa Security Agency na matatagpuan sa Sitio Pinagtarangkahan, Cuyumbay, Tanay, Rizal, matapos na mabigong magpakita ang mga ito ng lisensiya ng kanilang mga armas.
“Pro 4A will restore the sense of normalcy in Masungi Georeserve,” ayon kay Nartatez Jr.
Isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni ARD Nartatez matapos na mapaulat na kinubkob at binarikadahan ang lupaing sakop ng kanilang protection area sa nasabing lalawigan.
Una nang sinabi ni Anne Dumaliang, ng National Geographic Explorer and trustee, Masungi Georeserve Foundation, nito lamang Setyembre 18 nang simulang postehan ng grupo ang bahagi ng conservation area sa Km 48 ng Marikina-Infanta Highway.
Lubos naman ang pasasalamat ng Masungi sa agarang pag-aksiyon ng PRO 4A. (Dolly B. Cabreza)
The post PNP Region 4A umaksyon sa kinubkob na Masungi Georeserve first appeared on Abante Tonite.
0 Comments