Super bagyong Karding nag-landfall sa Quezon: Dagat umapaw sa kabahayan

Inilagay sa kategoryang super typhoon bago pa man nag-landfall si `Karding’ sa Burdeos, Quezon dakong alas-5:30 ng hapon nitong Linggo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Kabilang sa mga unang hinagupit ng bagyo ang bayan ng Polillo sa Quezon kung saan umapaw ang dagat at dumaluyong patungo sa mga kabahayan.

Ayon kay Geneva Mopera, public information officer ng pamahalaang bayan ng Polillo, dakong alas-singko ng hapon nang magsimulang umapaw ang tubig-dagat sa Barangay Poblacion.

Sanhi aniya ito ng sobrang laki ng mga alon na sinabayan pa ng high tide.

Ayon pa kay Mopera, may mga natanggap na rin silang ulat ng mga apektado ng storm surge at mga pagbaha sa iba pang 17 coastal barangay nila.

Subalit patuloy pa lamang ang kanilang monitoring dahil sa maging ang mga rescuer ay limitado ang pagkilos sa sobrang lakas ng pagbayo ng bagyong Karding.

Pinipilit nila anyang maabot ang mga nasa mga mapanganib na lugar at pinapayuhan naman ang mga nasa medyo ligtas ng lugar na huwag na munang lalabas ng bahay dahil sa panganib ng patuloy na nagbabagsakang mga puno at nagliliparang mga bubong ng bahay.

Tumama sa Quezon

Nag-landfall ang bagyong Karding sa bayan ng Burdeos na bahagi ng Quezon at inaasahan ang pangalawang pagtama nito sa kalupaan sa

General Nakar o sa Dingalan subalit bahagya na itong hihina, ayon sa weather bulletin na inilabas ng Pagasa alas-otso ng gabi nitong Linggo.

Alas-5:30 umano ng hapon unang nag-landfall ang bagyo sa Burdeos kung saan napanatili nito ang kanyang lakas subalit sa ikalawang pagtama sa lupa ay maaaring mabawasan ang lakas ng hangin nito.

Huling namataan umano ang super typhoon sa General Nakar, Quezon at taglay nito ang lakas ng hangin na 185 kilometer per hour at bugso na 255kph. Kumikilos ito sa bilis na 20kph.

Sa forecast position ng Pagasa, sunod na tatahakin ng bagyo sa araw ng Lunes ang direksyon patungo sa Masinloc, Zambales at Dagupan Pangasinan habang sa araw ng Martes ay maaaring makalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility.

Ayon sa Pagasa, sa buong magdamag hanggang sa Lunes ay makararanas ng malakas na ulan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Rizal, Quezon kabilang ang Polillo Islands.

Katamtamang lakas ng ulan naman ang iiral sa Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Pangasinan, Cavite, Laguna, Batangas, central portion ng Quezon, Occidental Mindoro at Camarines Norte habang bahagyang mahinang ulan naman sa Oriental Mindoro, Marinduque, Calabarzon Bicol Region.(Ronilo Dagos/Tina Mendoza)

The post Super bagyong Karding nag-landfall sa Quezon: Dagat umapaw sa kabahayan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments