Hindi umano interesado si Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Cesar Chavez na kapalit sa binakanteng puwesto ng nagbitiw na press secretary na si Trixie Cruz-Angeles.
Inihayag ito ni Chavez sa isang phone interview matapos lumutang ang pangalan nito sa mga posibleng ipalit kay Angeles na nagbitiw sa puwesto noong Martes.
“Binanggit ko na ang concentration ko ay rail sector. Sinabi ko na hindi ako interested sa press office ng Malacañang,” ani Chavez.
Sinabi ng opisyal na maraming kuwalipikadong maging press secretary na mahusay at handang mangasiwa sa buong information network ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ang tingin ko mas maraming competent, mas kayang-kaya nila ang trabaho nila mentally, physically and emotionally and professionally, they’re more qualified kaysa sa akin,” dagdag pa ni Chavez.
Bukod kay Chavez ay kabilang pa sa pinagpipilian diumano sina Atty. Mike Toledo at dating Cavite congressman Gilbert Remulla. Habang ang mister ng aktres na si Toni Gonzaga na si Paul Soriano ay nagsalita na rin na hindi interesadong maging press secretary. (Aileen Taliping)
The post DOTr usec ayaw umupong press secretary first appeared on Abante Tonite.
0 Comments