Driver, may-ari ng pabidang sports car sa Edsa sinampolan

Pinadalhan ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari gayundin ang drayber ng sports car na dumaan ng EDSA bus lane na ekslusibo lang sa mga pampublikong bus, ambulansya, at sasakyan ng gobyerno na may emergency.

Ipinahaharap ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) ang dayuhang may-ari ng pulang sports car at ang drayber nito sa Lunes, Oktubre 24, ng alas-diyes ng umaga.

Pinagsusumite rin sila ng sulat na nagpapaliwanag kung bakit hindi dapat masampahan ng administratibong kasong Disregarding Traffic Sign (Sec. J (2), Title I, DOTC Joint Administrative Order No. 2014-01) at kung bakit hindi dapat masuspindi o mabawi ang lisensya ng drayber dahil sa kasong Improper Person to Operate a Motor Vehicle as per Sec. 27(a) or Republic Act 4136.

Ipinaalala ng LTO na kung hindi magsusumite ng kaukulang dokumento o tugon ang mga ipinatatawag ay pagsuko ito ng kanilang karapatan na mapakinggan at ang kaso ay dedesisyunan nang naaayon sa kasalukuyang ebidensya na hawak ng IID. (Dolly B. Cabreza)

The post Driver, may-ari ng pabidang sports car sa Edsa sinampolan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments