Sumalang kahapon sa paglilitis ng Makati Regional Trial Court Branch 256 sa isa sa mga illegal drug case laban kay dating senador Leila de Lima ang convicted drug lord na si Herbert Colangco.
Isa si Colangco sa mga testigo ng prosekusyon laban kay De Lima.
Naging pokus sa paglilitis ang paggamit ng magkakaibang pangalan ni Colangco.
Ayon kay Atty. Filibon Tacardon, abogado ni De Lima, sumalang si Colangco sa cross examination ng abogado ni dating Bureau of Corrections (BuCor) director Franklin Bucayu na kapwa akusado ng dating senador.
Inungkat aniya ang paggamit ni Colangco ng pangalan na Roy Vincent Colanggo dahil ang pagsisinungaling sa pangalan ay batayan ng kapasidad na magsinungaling sa testigo laban kay De Lima.
May lumalabas din umano sa ibang pagkakataon na ginagamit nito ang pangalang Roy Vincent Colanggo.
Dahil nadikdik ito, ayon kay Atty. Tacardon, ipina-subpoena ng korte ang Philippine Statistics Authority (PSA) para makuha ang birth certificate ni Colanggo.
Sa bahagi ng prosekusyon, sinabi naman ni Muntinlupa Assistant City Prosecutor Darwin Canete na hindi nila nakikita ang punto ng panig ng depensa sa pagdikdik sa moral character ni Colangco dahil tanggap naman nila na convicted criminal ito sa kasong robbery with homicide kaya napasok sa New Bilibid Prison.
Itutuloy ang paglilitis sa Nobyembre 7. (Betchai Julian)
The post Herbert Colangco dinikdik sa De Lima drug case first appeared on Abante Tonite.
0 Comments