Japanese bilyonaryo dinakma sa NAIA

Limang buwan matapos ang pag-takeover ng Casino sa Pasay City, dinampot ng mga awtoridad ang bilyonaryong Hapon na si Kazuo Okada paglapag nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, sa Pasay City noong Lunes ng umaga.

Si Kazuo ang umano’y mastermind sa marahas na pagkamkam sa Okada Manila Resort & Casino noong Mayo 31, 2022, kasama sina Antonio `Tonyboy’ Cojuangco, Dindo Espeleta at abogadong si Florentino “Binky” Herrera.

Inaresto ng Philippine National Police Aviation Security Group si Kazuo pagbaba sa NAIA mula Haneda, Japan, alas-5:40 ng umaga noong Oktubre 17, 2022, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Metropolitan Trial Court (MTC) ng Paranaque Branch 90 at Branch 91 noong Oktubre 11.

Sina Kazuo, Cojuangco Espeleta at Herrera, mga executive ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI), operator at may-ari ng Okada Manila na si James Lorenzana, Hajime Tokuda, at Michiake Satate ay kinasuhan ng mga kasong grave coercion.

Itinakda ng MTC Branch 91 ang arraignment at pre-trial ni Kazuo sa Oktubre 28, 2022 habang ang arraignment at pre-trial naman sa MTC Branch 90 ay sa Nobyembre 7 at Disyembre 5, 2022.

“We are grateful to the Philippine authorities for their swift arrest of Kazuo Okada. We will continue to work with the law enforcement units to bring Kazuo Okada to justice, as we have done in the past in other jurisdictions,” pahayag ng TRLEI representative na si Kenshi Asano.

Magugunitang marahas na nagsagawa ng takeover ang grupo ni Kazuo, sa tulong ng 50 armadong kalalakihan at opisyal, sa Okada Manila batay sa status quo ante order na inilabas ng Korte Suprema.

Sina Cojuangco, Espeleta, at Herrera ang kumatawan kay Kazuo sa isinagawang takeover na humantong sa iligal na pagtanggal kina Lorenzana, Tokuda at Satate sa TRLEI board.

Nabawi ng lehitimong TRLEI board, sa suporta ng Department of Justice (DOJ) at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ang kontrol sa Okada Manila noong Setyembre 2, 2022 kung saan si Kazuo na lamang ang natitira sa board. (Dolly B. Cabreza)

The post Japanese bilyonaryo dinakma sa NAIA first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments