Nigerian binaunan ng 8 tingga

Bumulagta ang isang Nigerian national matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng kotse sa Calasiao, Pangasinan kamakalawa.

Ayon sa Calasiao Police Station (CPS), kinilala ang biktima na si Christopher Clark, 32, naninirahan sa Barangay Mancup, ng nasabing bayan.

Sa report, ayon kay CPS officer-in-charge P/Col. Junmar Gonzales, may nakuha umanong CCTV footage sa krimen ngunit hindi pa ipinapakita ng pulisya habang isinasagawa ang follow-up investigation.

“Kitang-kita na nung huminto ang kotse at binubuksan na ng biktima ang pintuan sa likod bigla na lang siyang binaril,” ani Gonzales.

Pitong basyo ng bala ng .45 pistol at isang basyo ng .9mm pistol ang nakita sa crime scene na pinaniniwalaang tumama lahat sa katawan ng Nigerian mula sa mga suspek na sakay ng isang kotse.

Sinabi ng CPS, maaaring kakilala ng biktima ang mga suspek.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis hinggil sa insidente. (Allan Bergonia)

The post Nigerian binaunan ng 8 tingga first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments