Hangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapabuti ang kahandaan at pagtugon ng bansa sa mga kalamidad kung kaya’t magiging prayoridad ng kanyang administrasyon na maisakatuparan ito.
“Ang disaster response and disaster preparedness natin ay prayoridad ng ating pamahalaan na lalo pang pagandahin o palakasin,” wika ng pangulo sa kanyang lingguhang vlog na inilabas sa Facebook page niya nitong Linggo.
“May mga nakikita pa akong mga bagay na maaaring i-improve dahil ang mga bagyo ay bahagi na ng ng pamumuhay natin dito sa Pilipinas. Kaya naman ang ating disaster preparedness at disaster response ay kinakailangan may maayos na maayos na sistema,” sabi ng pangulo.
Pinapurihan din ni Pangulong Marcos ang mga ginawa ng ilang ahensiya ng gobyerno sa pananalasa ng bagyong Paeng sa bansa katulad ng Philippine Coast Guard, Office of Civil Defense, Department of Public Works and Highways, Department of Agriculture, Department of Information and Communications Technology, Department of Environment and Natural Resources, Department of Social Welfare and Development, at Department of the Interior and Local Government.
Aniya, napakaaktibo ng mga nabanggit na ahensiya pagdating sa pagbibigay ng saklolo at ayuda sa mga kababayang sinalanta ng bagyo.
Ang ganito aniyang pamamalakad ang adbokasiya ng kanyang administrasyon.
“Mga ahensya na may kusa at inisyatibo sa kanilang ginagampanang bahagi. ‘Yan po ay isang gumaganang sistema ng pamamahala at ‘yan po ang patuloy nating hahasain pa,” wika ng pangulo.
Subalit hindi aniya mangyayari ito kung hindi makikipagtulungan ang lahat upang matugunan ang kalamidad.
“Natitiyak ko na sa pakikipagtulungan nating lahat sa anumang bagyo, baha, o sakuna, hindi matitinag ang ating pagka Pilipino. Tuloy-tuloy ang ating pagbangon,” ayon kay Pangulong Marcos.
The post PBBM hahasain mga Pinoy kontra kalamidad first appeared on Abante Tonite.
0 Comments