214 arogante, isnaberong taxi driver kalaboso

Umabot sa 214 arogante at isnaberong taxi drivers ang naaresto at kinasuhan na ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang “Oplan Isnabero’ simula nitong Disyembre.

Ayon kay Jocelyn Tataro, officer-in-charge ng LTFRB franchise planning and monitoring division, may 214 taxi drivers ang inaresto dahil sa iba’t ibang paglabag tulad ng pagkontrata sa mga pasahero, labis na paniningil ng pamasahe, pagtanggi sa mga commuters, hindi paggamit ng metro ng taxi at mga kolorum ngayong holiday rush.

“Year-round campaign ito ng LTFRB, but when the holiday rush started, lalo naming pinaigting ang panghuhuli sa mga abusadong driver,” pahayag ni Tataro sa isang panayam.

Aniya, kanila nang inendorso sa legal division ng LTFRB ang mga aroganteng driver para sa pagdinig at imbestigasyon, ngunit maaari pa rin silang magpatuloy sa operasyon o pagmamaneho.

Papatawan ang mga driver ng multang P5,000 sa unang paglabag, P10,000 sa ikalawang paglabag at pagkansela ng prangkisa sa ikatlong paglabag.

Patuloy pa rin nilang binabantayan ang mga arogante at isnaberong taxi drivers sa mga terminal at mall ngayong holiday rush at paparusahan kapag napatunayang nilabag ng mga ito ang ipinatutupad na batas. (Dolly Cabreza)

The post 214 arogante, isnaberong taxi driver kalaboso first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments