Kagawad, 2 tanod nirapido habang nagbi-videoke

Patay ang tatlo katao na kinabibilangan ng isang barangay kagawad at dalawang tanod habang sugatan ang dalawang iba pa matapos ratratin ng hindi pa kilalang mga suspek ang bahay kung saan nagbi-videoke ang mga biktima nitong Biyernes sa Dumalinao, Zamboanga Del Sur.

Kinilala ang nasawing biktima na sina Richard Danago Evadientes, 38, kagawad ng Barangay Upper Dumalinao; mga tanod na sina Arnold Evadientes, 44, pinsan ng kagawad; at Joel Mendes Espadilla. Sugatan naman sina Eugene Borja at Cerillo Saranillo, na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.

Samantala, patuloy pa ring inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo ng mga ito sa pagpatay.

Sa naantalang ulat sa Camp Crame kahapon, naganap ang insidente alas-12:26 ng tanghali nitong Biyernes habang nag-iinuman at nagbi-videoke ang mga biktima sa bahay ng isang Romeo Evedientes, sa Purok Banaba sa Barangay Upper Dumalinao.

Bigla na lang umano silang pinasok ng tatlong suspek na armado ng kalibre .45 at 9mm na baril at pinagbabaril ang mga biktima saka nagsitakas sakay ng motorsiklo. (Edwin Balasa)

The post Kagawad, 2 tanod nirapido habang nagbi-videoke first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments